‘Chinese floating structure,’ naispatan sa Bajo de Masinloc
MANILA, Philippines — Isang movable floating platform na sinasabing idineploy ng China ang namataan ng mga awtoridad sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for WPS Rear Admiral Jay Tarriela, ang istruktura ay unang namataan sa pamamagitan ng isang satellite imagery at maritime domain awareness operations na isinagawa noong Mayo.
Ani Tarriela, noong Mayo 20 ay wala pang visible na man-made structure sa satellite imagery. Noong Mayo 21-25 naman aniya, may mga na-detect na Chinese research vessels sa lugar, gayundin ng posibleng inisyal na deployment. Mula Mayo 26-30, nagsagawa aniya ang Pilipinas ng surveillance flights at idinokumento ang platform, karagdagang boya at hinihinalang instalasyon ng antenna.
Mayo 30, anim na Chinese personnel ang nakita sa platform at naiulat ang aerial harassment incidents na kinasasangkutan ng Chinese military aircraft. Noong Mayo 31, ang platform ay gumalaw pa papasok sa Bajo de Masinloc, at inaasistihan ng mga Chinese vessels at personnel.
Anang PCG, ang istruktura ay tila mayroong metal supports na nagpapahintulot dito upang manatili sa lugar.
Naghain naman na ang Pilipinas ng diplomatic protest laban sa naturang floating structure.
- Latest


















