Alas Women kinapos sa SoKor

CANDON CITY, Ilocos Sur, Philippines — Lumaban ng sabayan ang Alas Pilipinas subalit mas naging determinado ang South Korea.
Yumuko ang Pinay netters sa tatlong sets laban sa Korean spikers, 16-25, 18-25, 22-25, sa 2026 Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Cup na nilaro sa Candon Arena kahapon dito.
Matapos sumadsad sa sets 1 at 2, nakitaan ng tikas ang Alas Pilipinas sa third frame nang magtulungan sa opensa sina Thea Gagate, Ara Galang, Nina Ytang at Alyssa Valdez.
Muntik ng makahirit ng fourth set ang Alas ng makalamang sila ng tatlong puntos, 19-16 sa set 3 pero naging matatag ang South Korea sinandalan nila ang tikas ni Sowhi Kang upang ipalasap sa host country ang pangalawang talo sa apat na salang.
Nalagay sa alanganin ang Alas Pilipinas sa asam nilang pumalo ng bola sa semifinals pero tiniyak nina Galang at Valdez na gagawin nila ang lahat para manalo sa susunod nilang mga laro.
Nagtala si Gagate ng siyam na puntos mula sa limang attacks, tatlong blocks at isang service ace habang walo ang binira ni Ytang sa tournament na suportado ng Philippine Sports Commission, FIVB, Volleyball World, AVC, POC at Candon City sa pamumuno ni Mayor Eric D. Singson.
May tig-pito ang iniskor nina Valdez at Alyssa Solomon habang four points ang nilista nina Ces Molina at Galang para sa Alas Pilipinas.
“Sayang, maganda naman ang nilaro namin nakipagsabayan kami nakadikit kami,” ani Galang na unang beses pa lang niya na naglaro sa national team.
Si Sowhi ang nanguna sa opensa para sa South Korea, nirehistro nito ang 19 markers kasama ang 15 kills, tatlong service aces at isang block.
Samantala, nais ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick “Pato” Gregorio na magfocus ang Alas sa AVC Women’s Cup.
Huwag isipin ang gulo na nagaganap sa national federation at magka-isa muna sa pagwagayway ng bandila ng Pilipinas.
“There is a time for commercial volleyball and there is a time for the national team. Pag Alas ang pinag- uusapan, dapat lagi tayong magkakampi at sama-sama,” pahayag ni Gregorio sa naganap na ceremonial dinner sa Hotel Van Gogh II. “The best gift you can give to yourself is to wear that Philippine team uniform. It is your gift to the nation.”
- Latest

















