‘Basketball sinalihan ng anak ko, hindi swimming’
MANILA, Philippines — Ito ang hinagpis ng ina ni Rene Baterbonia, 19, isa sa dalawang atleta ng Ateneo na nasawi matapos malunod habang nasa gitna ng kanilang team “training” activity sa Baler, Aurora nitong Lunes.
Sa ulat, mariing kinondena ni Ginang Rovelyn ang pangyayari na nagsabing may “foul play” sa insidente dahil sa mga nakitang mga pasa sa katawan ng anak na sinabi sa kanya nang pinapunta niyang kaanak.
“..Ba’t ganun ang nangyari?...bigla na lang nag-text ang anak ko sabi nya, “Ma one week siguro wala ako cellphone, kasi may training kami sa Baler,” tapos sabi niya ‘di pwede raw mag-cellphone, sabi ko sige ‘nak,” bahagi ng pahayag ni Rovelyn.
Aniya, mistulang military training ang pinagdaanan ng anak at kinuwestyon kung bakit napunta sa dagat.
“Gusto ko ng justice talaga, kung anong nangyari, bakit ganun ang nangyari sa anak ko? Alam naman nila na mabigat ang inilagay nila sa paa and then sa kamay, tapos pinaano pa nila sa dagat, di ba sila naawa..tapos andami nila. Ba’t naman pumunta sila dun na walang rescue, walang medic,” sabi pa ng ginang.
Bunsod nito, naglunsad ng malalimang imbestigasyon ang Police Region Office 3 (PRO 3) sa nangyaring pagkalunod nina Baterbonia at kapwa Ateneo athlete na si Divine Adili, 21. Si Adili ay isa sa pambato ng basketball team ng unibersidad habang si Baterbonia ay magde-debut na rin sana sa UAAP Season 89 sa huling bahagi ng taong ito.
Sa report ni Aurora Acting Provincial Police Office (PPO) Director P/Col.Percival Pineda, dakong alas-2:40 ng hapon nitong Lunes ng hapon nang tangayin ng malakas na alon sa gitna ng kanilang Team Building ang dalawang nasabing atleta sa isang beach resort sa Dipaculao, Aurora
Batay sa imbestigasyon, naglalakad ang dalawang players sa tabing dagat na hanggang hita nila ang lalim pero napunta sila sa malalim na parte dahil ang kanilang nilalakaran ay may malalim nang bahagi kung saan kapwa sila tinangay ng malalakas na alon. Sinaklolohan sila ng lifeguard ng resort at ilang kasamahan pero idineklara nang dead-on-arrival sa pagamutan.
Ayon sa Aurora Police, wala silang nakikitang “foul play” sa insidente at sinabing “pure accident” ang nangyari sa dalawang atleta.
- Latest


















