Simbahan sa Makati, nilimas ang laman!
NASA limelight sa ngayon ang mga Marines. Kung sa Senado, itong 18 ex-Marines ang bida dahil sa pagdeliber nila ng mga maletang naglalaman ng pera, sa Makati City naman siga rin sila. Sinabi ng mga kosa kong pulis-Makati na nag-aagawan ng pamumuno ng Emmanuel Church of Ministries Internaitonal (ECMI) sa Makati City at ang isang grupo ay gumagamit ng Marines. Ang masama, nilusob ng tropa na may security na Marines ang simbahan bandang 3 p.m. noong Linggo at nilimas ang gamit tulad ng piano, at gitara. Lumayas ang tropa subalit nag-iwan ng dalawang Marines upang bantayan ang simbahan, na matatagpuan sa Angono St., na ilang hakbang lang mula sa City Hall ng Makati. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Pangatlong beses na itong nilusob ng breakaway group ni Erwin Torrefiel ang simbahan at ang una ay noong Hunyo 6. Sinabi ng kosa ko na walang pinanghawakang court order o maging dokumento mula sa Security and Exchange Commission (SEC) ang mga lumusob na may kasama pang abogado. Dahil sa biglaang pangyayari, naiwang tulala ang mga leitimong miyembro ng simbahan sa pamumuno ni Pastor David Dimayuga. Habang nasa loob ng simbahan, sinabi ng kosa ko, na pinagsisira ng tropa ni Torrefiel ang mga gamit, Totoo kaya ito? Dipugaaaaa! Nakita rin sa mga kuha ng video footages ang pagkuha ng mga suspek sa mga dokumento, mga office supplies at pera bago isinakay sa kotse ni Torrefiel. Nagbanta rin ang tropa sa mga tao dun na ‘wag makialam kung ayaw nilang masaktan. Purbidang yawaahhhhh!
Hindi lang ‘yan? Bumalik pa kinabukasan ang tropa at inokupahan ang simbahan. Inabot sila ng gabi doon pero sa bandang huli ay napakiusapan sila ng mga totoong miyembro na umalis na sinunod naman nila. Kaya lang, ikinandado pa rin ng mga suspek ang 4th floor kung saan nandoon ang opisina ng simbahan. Nag-iwan din sila ng dalawang tauhan nila na sabi nila ay mga Marines daw para magbantay sa simbahan at ikinatakot ng mga tao dun. Nagreklamo si Pastor Dimayuga sa Substation 6 ng Makati police pero ayaw umaksiyon ng mga ito. Dahil kaya si Torrefiel ay miembro ng Eagles? Tsk tsk tsk! Anong sey n’yo mga kosa?
Teka, teka! Kung nakuha sa pakiusap itong tropa ni Torrefiel, bakit hindi na lang nila daanin ni Pastor Dimayuga sa maBOTEng usapan para malutas ang problema nila sa EMCI? Kasi tuwing may worship service, nerbiyos ang inaabot ng nasa loob ng simbahan. Baka naman si PNP chief Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. o ang SEC ay puwedeng panghimasukan ang problemang ito bago lumala. Puede ding makialam dito si Makati City Mayor Nancy Binay. Sanamagan!
Saan ka nakakita na kasong trespassing at robbery at identified naman ang mga suspek pero ayaw kasuhan ng pulis? Tanong lang po. Abangan!
- Latest



















