Cayetano: Ang problema ng kanyang pagkatao
Kumalat nitong weekend ang mga lumang kopya ng Philippine Collegian, ang opisyal na campus paper ng University of the Philippines-Diliman. Ang mga isyung ito, na nailathala noong taong 1990, ay nag-ulat ng isang kilos-protesta sa harap ng Embahada ng Estados Unidos noong Setyembre 17, 1990 na marahas na sinupil ng mga awtoridad.
Ayon sa ulat, nahuli ang ilang lider-estudyante mula sa UP, kabilang ang University Student Councilor na si Alan Peter Cayetano. Wow! Aktibista si Pokémon?
Ngunit hindi tulad ng iba pang mga estudyanteng nakulong, si Cayetano diumano ay nabigyan ng espesyal na pagtrato matapos niyang sabihin sa mga pulis na siya ay anak ng isang senador. Eh ‘di wow!
“Don’t touch me! Don’t you know I’m the son of a senator?” Ito raw ang mayabang na pahayag ni Cayetano sa mga awtoridad. Ang taray ng nepo baby!
Ang resulta? Hindi siya nakulong. Ngunit sa halip na tumulong sa mga kapwa mag-aaral na nadakip at nasaktan, si Cayetano diumano ay mabilis na umuwi habang ang kanyang mga kapwa lider-estudyante ay nanatiling nakakulong.
Mabilis na kumalat sa buong UP ang balita ukol sa kaduwagan at kawalan ng responsibilidad ni Cayetano. Marami ang nagalit at nasuka. Naging malaking kahihiyan si Cayetano sa unibersidad.
Sa katunayan, may isang ina na beterano ng mga kilos-protesta ang sumulat ng bukas na liham na inilathala sa Philippine Collegian. Tinuligsa niya si Cayetano dahil sa umano’y oportunistang asal nito bilang lider-estudyante at sa pag-abandona sa kanyang mga student constituents.
Bakit ito mahalaga? Mahalaga ito sa konteksto ng mga kaguluhang bumabalot sa Senado ngayon na kinatatampukan ni Cayetano. Marami ang nagtatanong kung bakit sobrang ganid siya sa kapangyarihan at mas nanaisin pa niyang mawasak ang isang institusyon kaysa ipagpaliban ang kanyang ambisyon.
Ang sagot ay matatagpuan sa kasaysayan. Sa murang edad, tila naitanim na sa puso at isip ni Cayetano ang mga binhi ng oportunismo, pribilehiyo, kaduwagan, pagkamakasarili, at kawalan ng pananagutan.
Kaya hindi na nakapagtataka na saanman siya mapunta, sa Department of Foreign Affairs, sa UN kung saan ipinagtanggol niya ang EJKs, sa Kongreso bilang kapit-tukong House Speaker, at ngayon bilang pekeng Senate President, kakambal niya ang kaguluhan, at mga panawagang siya ay magbitiw sa puwesto.
Ang problema kay Cayetano ay hindi lamang ang kanyang politika, kundi ang kanyang buong pagkatao.
- Latest




















