Erwin: Senador na maghi-hearing ipaaaresto ko!

MANILA, Philippines — Nagbanta si Sen. Erwin Tulfo na ipaaaresto ang sinumang senador na magsasagawa ng hearing ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sa isang video message, sinabi ni Tulfo na siya ang lehitimong chairman ng naturang komite at tanging may kapangyarihan para magpatawag ng imbestigasyon sa ilalim nito.
Ginawa ni Tulfo ang pahayag matapos na magsagawa sina Senators Pia Cayetano at Rodante Marcoleta ng pagdinig kung saan iprinisinta nila ang 18 ex-marines na umano’y nagtrabaho kay dating Congressman Zaldy Co at nag-deliver ng mga pera sa mga pulitiko.
“Kung sila, uulitin po nilang mag-hearing; subukan po nila. Lalo na po yung Blue Ribbon, subukan. Subukan po ninyo, mag-hearing po kayo ng Blue Ribbon, kasi po hindi na po ako papayag na maghi-hearing-hearingan kayo diyan at I will have you arrested. I promise,” ayon pa kay Tulfo.
Wala aniya siyang pakialam kung dating Senate president o dating Speaker ang magsasagawa ng hearing dahil talagang ipapahuli niya ito sa Senate-Sergeant- at-arms, o OSAA at kung hindi naman aniya ay bibitbitin niya ito at kukuwelyuhan at palalayasin sa floor.
“Because I am the legitimate Blue Ribbon Chairman at ‘yung ginagawa niyong kalokohan,” giit pa ni Tulfo.
Si Tulfo ay kasapi ng Senate bloc na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore at acting Senate President Sen. Win Gatchalian at ng 12-Senators matapos na dalawang araw na hindi dumalo sa plenary session ang Cayetano bloc dahil sa pag-aresto sa kanilang kaalyado na si Sen. Jinggoy Estrada na nahaharap sa kasong plunder.
- Latest



















