Apela ng Everest tinabla ng PHILRACOM board
MANILA, Philippines — Tablado sa Philippine Racing Commission (PHILRACOM) board ang apela ng connection ng Everest na makasali sa 2nd Leg Triple Crown Stake Race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas sa Hunyo 14, 2026.
Nagkaroon ng botohan sa PHILRACOM board kung saan ay 3-2 ang resulta na hindi pinaboran ang apela na makasama sa lineup ang Everest sa 1,800 meter race ng prestihiyosong karera para sa mga batang kabayo.
Nagkaroon ng insidente sa starting gate sa first leg kung saan ay napatawan ng indefinite suspension ang Everest.
Ayon sa trainer ng Everest na si dating jockey Renato “Egoy” Hipolito, nakapasa na ang kanilang pambato sa required barrier trial.
“Even though Philracom accepted our payment for the nomination and declaration of our horse, they excluded us from the drawing of lots before our appeal was even decided,” pahayag ni Hipolito.
Dahil dito inatras na rin ng may ari ng Everest ang isa pa nilang entry na Bermuda Triangle at inaasahang ma scratch ang Road to Triple Crown winner Black Eagle dahil sa injury kaya may tatlong entries na lamang ang naiwan sa karerang nakalaan ang P3.5M guaranteed prize.
Ang first leg winner na Isa Bell, kakamping Sultan Bell at Gentle Dance na lamang ang paparada sa pista sa event na suportado ng PHILRACOM.
Hinihintay pa ang anunsyo ng organizers kung may mga adjustments na gagawin sa race na pinondohan ng PHILRACOM at ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
- Latest























