Gatchalian bloc: Flood control hearing ni Cayetano ‘peke’

MANILA, Philippines — Tinawag ng grupo ni Acting Senate President Pro Tempore Win Gatchalian na “peke, hindi opisyal, at hindi awtorisado” ang isinagawang pagdinig ng grupo ni Sen. Alan Peter Cayetano tungkol sa maanomalyang flood control projects.
“Hinihimok namin ang aming mga kasamahan na itigil ang pekeng ‘pagdinig’ na ito, igalang ang mga patakaran, ang korum, at ang nararapat na itinatag na pamumuno ng Senado,” pahayag ng kampo ni Gatchalian.
Ayon sa grupo, ang mandato ng Senado ay panindigan ang Konstitusyon, pigilin ang mga pang-aabuso, at magpasa ng mga batas para sa kapakanan ng mamamayan.
“The Senate’s mandate is to uphold the Constitution, check abuses, and pass laws for the people’s welfare. We urge our colleagues to abandon this bogus ‘hearing’ respect the rules, the quorum, and the duly constituted leadership of the Senate,” anang grupo.
Itinuloy ng Cayetano bloc ang pagdinig kahapon sa kabila ng pahayag ni Gatchalian na walang mangyayaring hearing at walang mga resource persons na papayagang pumasok sa Senado.
Binanggit din ni Gatchalian na itinakda ni Sen. Erwin Tulfo ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa Hunyo 8. Pero dumating at nakapasok sa Senado ang 18 ex-marines na nagsabing sila ang naghakot ng mga maletang pera sa ilang pulitiko kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co. Kasama ng 18 ex-marines ang kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod at dating congressman Mike Defensor.
Pinamunuan ni Sen. Pia Cayetano ang Blue Ribbon kahit pa nahalal si Sen. Erwin bilang pinuno ng panel.
Bukod sa dalawang Cayetano, dumalo rin sa pagdinig sina Sens. Imee Marcos, Rodante Marcoleta at Robinhood Padilla.
Dumating din si Sen. Loren Legarda sa pagdinig para magbigay ng statement na siya pa rin ang Senate President Pro Tempore kahit pa inihalal ng 12 senador si Gatchalian.
Nasa Senado rin si DILG Secretary Jonvic Remulla na ayon kay Gatchalian ay hiniling niya ang tulong para matiyak ang seguridad at pagpapanatili ng kaayusan sa Senado.
- Latest


















