NCRPO pinaplantsa na seguridad sa impeachment trial

MANILA, Philippines — Puspusan ang ginagawang paghahanda ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa seguridad at kaayusan sa Senate compound para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang tiyakin na makokontrol ang posibilidad na maulit ang pag-atake ng “barbaric protesters” na nangyari noong Mayo 13.
Sinabi ni NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) sa layunin mas mapahusay ang crowd control sa impeachment trial na magsisimula sa Hulyo 6, 2026.
“Patuloy na pakikipag-coordinate sa Senate security para ma-ensure natin na as soon as lumabas sa compound ng Senate, masasalo na ng ating pulis kung sino ang lalabas or kung kinakailangan silang i-assist para ‘pag may pagtitipon, magagawang ma-clear natin ang daan nila,” ani Asilo sa panayam ng DzBB.
Inaalam din ng NCRPO sa OSAA kung ang mga barriers ay ilalagay sa isang malaking adjustment ang gagawin.
Matatandaang nagpahayag si Senador Vicente “Tito” Sotto ng pagkadismaya sa Philippine National Police (PNP) at sa security personnel sa kabiguan na makontrol ang mga nagpo-protesta sa labas ng Senado na umatake sa kanya.
Pinaghahampas ang sasakyan ni Sotto, pinagbabato ng mga bote kasabay ng mga masasamang salita ng mga tinawag niyang “barbaric protesters” noong lumabas siya sa compound ng Senado.
“I am furious and disappointed with the PNP (Philippine National Police) and other security personnel assigned outside the Senate for failing to control the rowdy and unruly crowd,” ani Sotto sa kanyang post sa social media noong Mayo 13.
Ayon pa kay Asilo, may nakareserba pang standby na NCRPO personnel sakaling lumala ang sitwasyon sa panahon ng impeachment trial at may itatalagang checkpoints sa paligid ng Pasay City.
- Latest


















