VP Sara, Leni dikitan sa 2028 presidential race

MANILA, Philippines — Dikitan sina Vice President Sara Duterte at dating VP Leni Robredo sa pinakabagong presidential race survey ng Pulse Asia sa first quarter ng Mayo 2026.
Nakapagtala si Duterte ng 51% kumpara sa 41% ni Robredo o 10 puntos na kalamangan habang 8% ang nanatiling undecided.
Sa Mindanao, halos buo ang suporta kay Duterte - 91% ng mga respondent ang pumili sa kanya laban sa 7% kay Robredo. Subalit sa National Capital Region (NCR) ay halos tabla ang laban o statistically tied si Duterte (48%) at Robredo (46%). Sa Balance Luzon, lumamang si Robredo (55% vs 33%).
Ayon kay Victor Andres Manhit ng Stratbase Group, hindi nakapagtataka ang dominasyon ni Duterte sa Mindanao, ngunit mahirap mapanatili ang ganito kataas na numero sa buong kampanya.
“Historically, no presidential candidate sustains numbers as high as 91 percent throughout an entire national campaign,” aniya.
Dagdag niya na kung tatakbo si Robredo sa pagkapangulo, maaaring paliitin ang agwat sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kanyang bilang sa rehiyon at paghikayat sa mga botanteng hindi pa nakakapagdesisyon.
Samantala, sa vice presidential race, lumitaw si Sen. Erwin Tulfo bilang malakas na kandidato. Nakakuha siya ng 46% laban kay Sen. Robin Padilla na may 38%. Bukod pa rito, si Tulfo ang may pinakamataas na trust rating sa mga personalidad na isinama sa survey (63%), mas mataas kaysa kay Sen. Bong Go (57%) at kay Robredo (53%).
Nasa 83% naman ng respondents ang nagsabing interesado na sila sa 2028 elections kahit dalawang taon pa ito. Kapansin-pansin din na ang internet ang pangunahing pinagmumulan ng balita ng mga Pilipino (83%), mas mataas kaysa telebisyon (64%), radyo (27%), at pahayagan (3%).
Nauna nang naghayag ng pagtakbo sa 2028 presidential elections si VP Duterte. Sakaling mahatulan, maaari siyang maalis sa puwesto at madiskwalipika sa hinaharap.
Samantala, inihayag naman ni Robredo na wala siyang planong tumakbo sa national post at maghahabol na lamang ng ikalawang termino bilang alkalde ng Naga City.
Isinagawa ang survey nitong Mayo 3-7 mula sa 1,500 respondents sa buong bansa.
- Latest




















