BIR ‘green box’ ‘di puwedeng buksan nang walang basbas ng Pangulo

MANILA, Philippines — Hindi susuportahan ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson ang pagbubukas ng “green box” ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte kung walang nakasulat na awtorisasyon mula sa Pangulo, alinsunod sa batas.
Ayon kay Lacson, taliwas sa Sections 71 at 270 ng National Internal Revenue Code (NIRC) at sa jurisprudence ng Korte Suprema ang anumang hakbang na magbubukas ng rekord nang walang pahintulot ng Pangulo.
“Kung pilit i-unseal without written authority of the President, I will vote against it… Ayokong masisi balang araw na part ako ng nag-violate ng batas,” aniya sa DZBB.
Dagdag pa niya, kahit ang Impeachment Court ay hindi maaaring lumabag sa batas. “Sa akin, malinaw ang aking position na without the written authority from the President, hindi dapat pabuksan. Di ako pro-defense dito. Basta sa akin ini-invoke ko dito ang batas,” diin ni Lacson.
Nakatakdang dinggin ngayong linggo ng Impeachment Court ang oral arguments kaugnay ng subpoena para sa mga rekord mula sa BIR, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at mga bangko.
Binigyang-diin ni Lacson na dapat lamang payagan ang pagbubukas ng tax records kung natugunan ang lahat ng rekisitos ng batas, kabilang ang nakasulat na awtorisasyon ng Pangulo.
“Maski korte kami, hindi kami puwedeng lumabag sa batas kasi magiging questionable,” pagtatapos niya.
- Latest



















