Solon duda sa timing ng pagbuo ng Senate flood control subcom
MANILA, Philippines — Duda si House Committee on Higher and Technical Education Chairman Jude Acidre sa timing ng pagbuo ng Senado ng Blue Ribbon Subcommitee on flood control projects sa gitna na rin ng nalalapit na impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Inihayag ito ni Acidre bilang reaksiyon sa desisyon ng bagong liderato ng Senado para lumikha ng Blue Ribbon SubCommittee na pamumunuan ni Sen. Rodante Marcoleta na ipagpapatuloy ang imbestigasyon sa flood projects.
Sinabi ni Acidre na sa timing ng hakbangin ay maraming mga Pilipino ang nagtatanong kung bakit ito isinusulong gayong ang atensiyon ng publiko ay nakapokus sa isasagawang paglilitis sa impeachment laban kay VP Sara.
“Ako pareho ako ng katanungan ng marami. Bakit kaya pinipilit nila na gawin ito sa panahong ito ngayon? Alam naman natin kung ano at saan nakatuon ang atensyon ng taumbayan,” saad ni Acidre sa News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City nitong Sabado.
Binigyang diin ni Acidre na ang mga alegasyon sa flood control projects ay nasuri na sa dating mga pagdinig ng Kongreso at ipinarerebyu na lamang ito sa Ombudsman.
Idinagdag pa nito na mahahati ang atensiyon ng Senado sa pagitan ng Marcoleta-led flood control at sa impeachment trial ni VP Duterte.
“Kung hindi mo naman mapipigilan ‘yung impeachment trial from proceeding, baka iniisip nila puwedeng, sige, guluhin na lang natin,” dagdag pa solon.
- Latest



















