Marcoleta, Defensor bawal lumabas ng Pinas
MANILA, Philippines — Nagpalabas na ng Precautionary Hold Departure Order (PHDO) ang Sandiganbayan laban kina Sen. Rodante Marcoleta, dating congressman Mike Defensor, at dalawa pang opisyal kaugnay ng mga natuklasang umano’y plunder at indirect bribery ng Office of the Ombudsman.
Ang PHDO ay inilabas nitong Martes, Mayo 26, ng 7th Division ng anti-graft court.
Bukod kina Marcoleta at Defensor, kasama rin sa PHDO sina Joseph Varias Espiritu at Aristotle Baluyut Viray.
Kaugnay ito ng mga natuklasan ng Ombudsman hinggil sa umano’y plunder at indirect bribery na may kinalaman sa campaign donations kay Marcoleta na nagkakahalaga ng P75 milyon.
Ang kahilingan para sa PHDO ay inihain ng Ombudsman noong Mayo 25.
Ang precautionary HDO ay pansamantalang nagbabawal sa isang taong iniimbestigahan sa kasong kriminal na makalabas ng Pilipinas habang sinusuri pa ang kaso, kahit bago pa man maisampa ang mga pormal na kaso sa korte.
Inirekomenda ng mga imbestigador ng Ombudsman na sampahan ng kaso sina Marcoleta, Defensor, Espiritu at Viray ng plunder sa ilalim ng Republic Act 7080 at ng paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng regalo.
Inirekomenda rin ng mga imbestigador na kasuhan si Marcoleta ng indirect bribery.
Ang reklamo ay nag-ugat sa naunang imbestigasyon ng Commission on Elections hinggil sa umano’y kabiguan ni Marcoleta na ideklara ang campaign donations sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures.
Ayon sa Ombudsman, nakatanggap si Marcoleta ng kabuuang P75 milyon na donasyon mula kina Defensor, Espiritu at Viray sa loob ng apat na araw noong Enero 2025.
- Latest
















