NBI: Bato ‘armed and dangerous’

MANILA, Philippines — Itinuturing na “armed and dangerous” si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na pinaniniwalaang mga armas ang laman ng mga dalang duffle bags nang tumakas mula sa Senado noong Mayo 14.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, batay sa Standard fugitive protocols ng law enforcement, presumed “armed and dangerous” ang isang pugante at target ng warrant tulad ni dela Rosa kaya nag-iingat sa pagtugis at pag-aresto lalo na at dating PNP chief na may malawak na kaalaman at karanasan sa mga operasyon.
“So ang instruction po natin sa ating mga law enforcement, sa ating mga agents, is to proceed with caution every time na halimbawa nag-positive na or even doon sa area na suspected na talagang nandoon siya is kailangan maging maingat po sa paghuli,” dagdag pa niya.
“Lahat ng target of warrant, ang aming point of view, we will always be ready baka armado at lumaban ang ating subject, kasi may impormasyon nang umalis si Sen. Bato ay may mga dalang duffle bag,” dagdag niya.
Nanawagan na si Matibag kay dela Rosa na boluntaryong sumuko nang mapayapa.
Ang warrant of arrest ang hawak ngayon ng law enforcement body na inisyu ng ICC kaugnay sa pagiging indirect co-perpetrator ni dela Rosa sa crimes against humanity na kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang noong Mayo 11, 2026 nang i-unsealed ng Pre-Trial Chamber I ng ICC ang warrant laban kay dela Rosa, na una nang inisyu bilang “secret” noong Nobyembre 2025.
Tinangkang arestuhin si dela Rosa nang muling lumutang noong Mayo 11 sa Senado ngunit naharang sa resolusyon ng protective custody ng Senado at umalis o tumakas noong Mayo 14.
- Latest


















