Senate OSAA personnel isalang sa pagsasanay - Sen. Raffy
MANILA, Philippines — Naghain si Sen. Raffy Tulfo ng Senate Resolution No. 402 upang hikayatin ang Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado na magsagawa ng capacity-building training programs at magpatupad ng pormal na operations manual para sa mas epektibong seguridad sa Senado.
Binigyang-diin ni Sen. Tulfo na ang naganap na insidente at operational standoff sa pagitan ng National Bureau of Investigation (NBI) at OSAA noong Mayo 13 ay naglantad ng mga operational, coordination, at procedural gaps sa internal security protocols, emergency response, perimeter control, at inter-agency coordination.
Dagdag pa ni Sen. Raffy, ang mga ulat ng kalituhan sa insidente kabilang ang umano’y warning shots, lockdown procedures, at magkakaibang salaysay ng mga sangkot ay nagpapakita ng pangangailangan para sa malinaw at institutionalized na operational standards at protocols sa pagitan ng OSAA at law enforcement agencies.
Nauna nang sinabi ng suspendidong dating Senate Sergeant-at-Arms na si PMGen. Mao Aplasca (Ret.) na nagpaputok siya ng warning shot upang maiwasan ang escalation at posibleng “bloodbath.”
Samantala, ipinaliwanag ni dating PNP Chief PGen. Nicolas Torre III na hindi saklaw ng PNP Operational Procedures Manual ang OSAA dahil hindi ito nasa ilalim ng command at supervision ng PNP.
Dahil dito, iginiit ni Sen. Tulfo ang pangangailangang magkaroon ng malinaw na operational framework na magtatakda ng protocols sa command responsibility, communication systems, use-of-force guidelines, emergency at evacuation procedures, coordination mechanisms, at standards of conduct ng OSAA personnel.
Iminungkahi rin ni Sen. Tulfo na makipag-ugnayan ang OSAA sa mga kaukulang ahensya, security experts, at constitutional professionals para sa pagbuo ng updated manual at best practices na nakaayon sa constitutional rights, public safety, at parliamentary security protocols.
- Latest


















