Ombudsman: Aplasca suspindido ng 6 buwan

MANILA, Philippines — Pinatawan ng anim na buwang preventive suspension ng Office of the Ombudsman si Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca matapos ang naganap na kaguluhan sa Senado noong Miyerkules, Mayo 13.
Ang suspension ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ay upang bigyang daan na rin ang pagsasagawa ng moto propio investigation kaugnay ng insidente sa Senado.
Sinabi ni Ombudsman Remulla na ipapa-subpoena rin nila ang kinakailangang ebidensya gaya ng mga CCTV footage, at iba pang mga video na nakuha ng mga miyembro ng media na nag-cover sa Senado.
“Sana naman ay walang nawawala na footage,” sabi ni Remulla matapos lumutang ang mga alegasyon na ang Senate CCTV footage ay maaring itinago.
“Sana naman walang cover-up dito,” dagdag niya.
Una nang inamin ni Aplasca na siya ang unang nagpaputok sa Senado bilang ‘warning shot’ matapos ang umano’y ginawa niyang verbal challenge sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sinasabi ni Aplasca na nakatawid na ng Senate premises ang NBI personnel mula sa bahagi ng GSIS kaya raw sila nagpaputok. Taliwas daw ito sa sinasabi ng NBI na hindi pa sila pumapasok ng Senado.
Sa ngayon ay nakawala si Sen. Bato dela Rosa matapos umanong tumakas sa poder ng Senado sa gitna nang naganap na pamamaril doon.
- Latest















