PSA iimbestigahan sa anomalya sa late registration
MANILA, Philippines — Nais ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na imbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang umano’y nangyayaring katiwalian sa Philippine Statistics Authority.
Sa iminungkahing Senate Resolution 381, binanggit ni Lacson ang isang memorandum ng tanggapan ng PSA na nagpapakita ng isang algorithmic audit sa buong bansa sa mga talaan ng late registration mula 2010 hanggang 2023 kung saan natuklasan na 50,532 sa talaan ng 1,634 iba’t ibang lokal na civil registry ang na-flag at posibleng hindi totoo.
“The LCROs of Pikit and Aleosan in North Cotabato were identified among those prioritized for investigation, having topped the list of the most problematic LCROs, with findings indicating weak oversight of records, as evidenced by the civil registry books of LCRO Pikit last being updated in 2015 and those of LCRO Aleosan only in January 2023,” nakasaad sa resolusyon.
Sa isinagawang imbestigasyon ng PSA at National Bureau of Investigation (NBI) lumalabas na ginamit ng isang sindikato ang sistema ng late registration upang magbigay ng mga pekeng pagkakakilanlan sa mga dayuhan, karamihan ay mga Chinese, sa pamamagitan ng paggamit ng mga pekeng dokumento at mga pekeng notarization.
Binanggit din niya ang mga alegasyon ng pandaraya sa Davao, Puerto Princesa, at Pampanga.
Dahil nasa 50,532 records ang na-flagged na “fraudulent” ang registration sa national civil registry, nalagay sa alanganin ang integridad sa pagpapatunay ng citizenship na magkakaroon din ng malaking implikasyon sa pagpapalabas ng pasaporte, PhilSys enrollment, electoral registration at administrasyon ng civil rights.
- Latest



















