Ridon hinamon si Pulong: Idepensa si VP Sara sa plenaryo

MANILA, Philippines — Hinamon ni House Committee on Public Accounts Chairman Terry Ridon si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na patunayan ang alegasyon na tatanggalan ng pondo ang mga Kongresista kapag hindi sinuportahan ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasabay nito, sinabi ni Ridon na ipakita ni Pulong ang kaniyang tapang sa pamamagitan ng pagdedepensa sa impeachment laban kay VP Sara sa plenaryo ng Kamara.
Ang patutsada ni Pulong ay kaugnay naman ng napipintong debate at botohan sa plenaryo ng Kamara kaugnay ng impeachment laban kay VP Duterte.
“Ang in-expect namin this week ipagtatanggol ho niya ‘yung kapatid niya sa plenary proceedings,” ani Ridon sa hamon nito kay Pulong at iginiit pang magpakita ang Davao solon ng ebidensya at hindi basta tirada lamang na aniya’y walang basehan.
“Maganda patunayan ni Cong. Duterte ‘yung claims na sinasabi niya kasi I think for the last couple of months, wala naman ho siyang ginawa kundi maglabas ng mga pahayag sa kanya pong Facebook account,” ani Ridon.
Samantalang kinuwestiyon din ni Ridon ang umano’y palaging pagliban ni Pulong sa mga opisyal na aktibidad sa Kamara at hindi rin umano ito nakikita sa mga plenary proceedings.
Magugunita na sa kaniyang FB account ay tahasang binira ni Pulong ng umano’y pambla-blackmail sa mga Kongresista na kung hindi umano boboto pabor sa impeachment ni VP Sara ay tatanggalan ng pondo ang kanilang mga distrito.
- Latest


















