Kampo ni Sara ramdam na aakyat impeach trial sa Senado

MANILA, Philippines — Sinabi ni House Justice Committee chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro na tila umamin na ang kampo ni Vice President Sara Duterte na aabot sa Senado ang kaso ng impeachment laban sa kanya.
Ayon kay Luistro, ang pahayag ng defense team na roon na lamang sila sasagot sa mga paratang sa mismong Senate trial ay indikasyon na inaasahan na rin nilang papasa sa committee ang findings ng probable cause.
“Para sa akin, base sa kanilang press conference, inaamin na nilang aabot ito sa trial. Sinasabi nilang doon nila susuriin ang ebidensya at magsasagawa ng cross-examination dahil kulang at malabo pa raw ang mga ito,” ani Luistro sa panayam sa Facts First.
Binigyang-diin ni Luistro na mababa lamang ang pamantayan para sa probable cause—kailangan lamang ng sapat na batayan upang ituloy ang kaso, hindi patunay ng kasalanan.
Binanggit niya ang mga disallowance ng Commission on Audit (COA) sa P73 milyon na confidential funds noong 2022, pati ang karagdagang P375 milyon noong 2023, na kapag naging pinal ay aabot sa P448 milyon ang dapat ibalik.
Dagdag pa, binanggit ng komite ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may P6.7 bilyong transaksiyon mula 2006–2025 na hindi nakikita sa SALN ni Duterte. Malaking agwat ito lalo na’t mula 2019 hanggang 2024, zero ang deklarasyon ng cash at bank deposits. Para kay Luistro, malinaw na may non-disclosure.
Depensa ng kampo ni Duterte, isinama raw ang cash at deposits sa kategoryang “Others” sa SALN. Ngunit para kay Luistro, lalo lamang nitong pinatitibay ang pangangailangan ng trial upang masuri nang mabuti ang mga ito.
Target ng House Committee on Justice na tapusin ang pagdinig sa Abril 29. Inaasahan ding boboto ang komite kung may sapat na batayan upang iakyat ang impeachment sa Senado.
- Latest


















