Iligal na sugal sa San Pedro laganap

MANILA, Philippines — Talamak pa rin umano ang operasyon ng iligal na sugal sa San Pedro, Laguna sa kabila nang mahigpit na kautusan ng Philippine National Police (PNP) laban sa lahat ng uri ng ilegal na pasugalan.
Isang aktibong bookies operation sa ilalim ng isang “JC Sicot” ang sinasabing nagpapatuloy sa lungsod at may sapat umanong pondo upang manatiling tumatakbo sa kabila ng mga direktiba sa pambansang antas na sugpuin ang illegal gambling.
Ayon sa ulat, may mga alegasyon ng proteksiyon mula sa loob ng lokal na hanay ng pulisya na sinasabing dahilan kung bakit hindi naaantala at hindi napapatigil ang naturang operasyon.
Lumalabas sa reklamong ipinarating sa pambansang himpilan ng pulisya sa Camp Crame na mayroon ding financier ng operasyon na iniuugnay sa pamilya ng isang mataas na opisyal ng lokal na pamahalaan, bagay na nagdulot ng hinala ng posibleng impluwensiyang politikal.
Nauna nang ipinatupad ng PNP at ni Police Brigadier General Hansel M. Marantan ang istriktong kautusan na alisin at tuluyang wakasan ang anumang uri ng ilegal na sugal sa buong Pilipinas.
Sa ngayon, wala pang pahayag mula sa hepe ng pulisya ng San Pedro hinggil sa mga alegasyon.
- Latest





















