SALN ng lahat ng solons ilabas! – Remulla

Hiniling ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa lahat ng mambabatas sa Kamara na maglabas ng kani-kanilang statement of assets, liabilities and net worth (SALNs) sa gitna ng pag-iimbestiga sa flood control scandal.
May pahiwatig din si Remulla na isa pang mambabatas na sangkot sa flood control scam ang idadagdag sa 26 na House members na isasailalim sa lifestyle checks.
Sinabi ni Remulla, sa programa sa radyo na “Executive Session”, kung saan isa siya sa host, na ngayong Lunes ay hihilingin sa isa pang hindi pinangalanang mambabatas ang kopya ng SALN nito.
Sa kasalukuyan, hawak na ng Ombudsman ang SALN ng 26 na mambabatas na isinasangkot sa flood control scandal.
“We have 26. Saka, marami mangyayari sa Monday, Tuesday, Wednesday,” ani Remulla.
Aniya, sa panahon ni dating Ombudsman Samuel Martires ay mahigpit ang pamamaraan sa pagkuha ng SALN sa katwiran na nagagamit umano sa pamumulitika.
Noong Oktubre 2025, nang maupo bilang Ombudsman si Remulla, ay inalis niya ang paghihigpit at nagpalabas ng panibagong set ng guidelines para sa pagkuha ng kopya ng SALN.
- Latest























