Quo warranto petition vs Tulfo, ibinasura ng SET
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng labis na pasasalamat at kasiyahan si Sen. Erwin Tulfo matapos na ibasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang quo warranto petition na inihain laban sa kanya ng dating mamamahayag at abogado na si Berteni ‘Toto’ Causing.
“Masaya po tayo sa opisyal na pagbasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa quo warranto petition laban sa akin. Lubos po ang aking pasasalamat sa Poong Maykapal sa desisyong ito na pabor sa atin. Salamat din po kay Atty. Karen Jimeno, na nanguna sa ating legal team sa pagharap sa petition na ito,” ayon pa kay Tulfo.
Anang senador, “Ang desisyon na ito ng Senate Electoral Tribunal na nagbabasura sa reklamo ni Causing ay isang direkta at malinaw na pagdidiin ng mga naunang dismissal ng COMELEC sa mga disqualification cases na paulit-ulit niyang isinampa at maging ng ibang indibidwal laban sa atin noong nangangampanya pa lamang tayo para sa 2025 Elections.”
Paniniyak pa ng senador, ang naturang kasong inihain laban sa kanya ay hindi kailanman naging hadlang sa pagkakaloob ng tapat na serbisyo sa mga mamamayan.
Ibinasura ng SET ang petisyong inihain ni Causing na humihiling na mapatalsik si Sen. Tulfo sa puwesto bunsod ng umano’y pagiging American citizen nito, dahil sa pagiging ‘insufficiency in form.’
- Latest




















