500 ‘biktima’ ng war on drugs sasali sa ICC case vs Duterte

MANILA, Philippines — Nakatanggap ang Pre-Trial Chamber (PTC) 1 ng International Criminal Court (ICC) mula sa Registry nito ng mga karagdagang aplikasyon mula sa mga gustong mairehistro bilang mga biktima sa mga kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang 4-pahinang dokumento na may petsang Pebrero 9, sinabi ng ICC Registry na naipadala na nito sa Chamber ang 227 aplikasyon na binubuo ng 500 aplikante.
Bukod pa ito sa naunang grupo ng 39 biktima na pinayagan ng Chamber noong Enero 26 na makilahok.
Ang 500 aplikante ay nasa ilalim ng “Group A,” isang klasipikasyon para sa mga taong ang mga pahayag ay malinaw na naaayon sa saklaw ng imbestigasyon.
Sa kasalukuyan, ang “Duterte Case” ay sumasaklaw sa mga pagpatay o tangkang pagpatay na nagawa sa Davao City sa pagitan ng Nobyembre 1, 2011, at Hunyo 30, 2016 at mga pagpatay o tangkang pagpatay na nagawa sa buong Pilipinas mula Hunyo 30, 2016, hanggang Marso 16, 2019.
Itinuturing na “confidential ex parte” ang mga personal na impormasyon ng 500 biktima na ibig sabihin ay maaari lamang itong ma-access ng Registry at ng Common Legal Representatives of Victims.
Si Duterte ay inaresto noong Marso 11 pagdating niya mula sa Hong Kong at dinala sa The Hague sa Netherlands kung saan siya kasalukuyang nakakulong.
- Latest




















