NBI isinumite na karagdagang dokumento sa Interpol vs Co
MANILA, Philippines — Isinumite na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga supplemental document na hiningi ng nito sa International Criminal Police Organization (Interpol) kaugnay sa request na red notice laban kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, ayon kay NBI spokesperson Palmer Mallari nitong Miyerkules.
Noong nakalipas na linggo nang ihayag ni Mallari na humihingi ng karagdagang dokumento ang Interpol sa NBI na kailangang maisumite hanggang Pebrero 11.
Sinabi ni Mallari na na hinihintay na lang ang disposisyon ng Interpol para sa red notice request laban kay Co.
Disyembre 2025 nang magpadala ng request ang NBI na mag-isyu ng Interpol red notice laban kay Co kasunod ng deklarasyon ng Sandiganbayan na isang “fugitive from justice” si Co.
Ito ay kaugnay ng mga kasong malversation at graft na isinampa laban sa kanya kaugnay ng P289-milyong substandard na proyekto ng dike sa kalsada sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon sa Interpol, ang red notice ay isang kahilingan sa mga tagapagpatupad ng batas sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang taong hinahanap ng isang humihiling na bansang miyembro o isang internasyonal na tribunal habang hinihintay ang extradition, pagsuko, o katulad na legal na aksyon.
Kinumpirma ng legal counsel ni Co na siya ay nasa Sweden, ngunit itinanggi na nagpadala si Co ng mga “emisaryo” upang makipag-usap sa gobyerno ng Pilipinas.
Ito ay matapos sabihin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na umano’y nagpadala si Co ng mga feeler sa mga pari para sa isang dyalogo sa gobyerno.
- Latest


















