2 patay, higit 8K pasahero stranded kay Ada

MANILA, Philippines — Dalawa ang iniulat na nasawi, 300 katao pa ang inilikas habang 8,800 pasahero ang na-stranded sa mga pantalan dulot ng bagyong Ada.
Sa report na nakarating sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado, hindi pa natukoy ang pagkakakilanlan ng maglive-in partner na nasawi sa landslide sa Brgy. Bariis, Matnog, Sorsogon nitong Sabado ng madaling araw. Lima katao naman ang sugatang nasagip sa insidente.
Iniulat ng Matnog Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), pasado alas-7 ng umaga nang marekober ang mag-live in partner na sina Ronie, 23 at Shiela, 19 habang magkatabi sa higaan mula sa kanilang bahay na natabunan ng lupa mula sa gumuhong bundok na may kasamang malalaking tipak na bato at nagibang pader.
Nasa 120 pamilya naman o halos 300 katao ang naapektuhan ng bagyo sa CARAGA Region partikular na sa Agusan del Norte kung saan tatlong evacuation centers ang binuksan dito.
Samantala, patuloy na nananalasa si Ada sa Bicol Region habang kumikilos sa hilaga hilagang kanluran ng karagatan ng Catanduanes.
Alas-5 ng hapon kahapon, si Ada ay namataan ng PAGASA sa karagatan ng Pandan, Catanduanes taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 85 km per hour at pagbugso na 105 kph.
Nakataas ang signal no. 2 sa Luzon sa eastern portion ng Camarines Norte, eastern at central portions ng Camarines Sur, Albay at Catanduanes.
Si Ada ay inaasahang mag-landfall sa Catanduanes.
Mananatili ang bagyo bilang isang tropical storm habang kumikilos sa silangan ng karagatan ng Southern Luzon at posibleng humina bilang tropical depression sa Martes, Enero 20 dahil sa epekto rito ng hanging amihan.
- Latest




















