BGC Boys may ‘game plan’ - Tulfo

MANILA, Philippines — Ibinunyag ng beteranong kolumnista na si Mon Tulfo na nakikipag-usap na umano ang mga abogado ng tinaguriang “BGC Boys” sa kampo ni Vice President Sara Duterte na bahagi ng “game plan” kaugnay ng flood control scandal.
“Nakikipag-usap ang mga abogado raw ng BGC Boys sa kampo ni Sara Duterte na maaaring ma-impeach next month. Ang pag-asa nila ay ma-acquit si Sara sa Senado, acting as an impeachment court, at maging presidente ng bansa sa 2028,” nakasaad sa isang Facebook post ni Tulfo nitong Sabado.
Ang mga “BGC Boys” na sina dating Department of Public Works and Highways Bulacan First District Engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, at JP Mendoza ay sangkot sa reklamong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa diumano’y kickback schemes sa ghost flood control projects sa Bulacan.
Ayon kay Tulfo, alam umano ng BGC Boys na sila ang madidiin at malamang na makukulong sa kasong plunder kaugnay ng anomalya.
“Pero kapag nanalo si Sara, bibigyan sila ng executive clemency (pardon, commutation, reprieve), ayon sa game plan,” dagdag pa niya.
Kailangan din aniya ni VP Sara na manatili ang mga kaalyado niyang senador dahil physical vote ang kailangan sa impeachment case sa Senado. Una nang idinawit ng BGC Boys sina Senators Chiz Escudero, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada.
“Kailangan daw na maidiin sa “ghost” projects ang mga kongresista na napangalanan upang masangkot si dating Speaker Martin Romualdez and then eventually BBM,” sabi ni Tulfo.
Nitong Sabado, Enero 10, itinanggi ni DOJ spokesperson Polo Martinez ang umano’y pagbawi ni Alcantara sa mga nauna niyang testimonya.
“The DOJ has been no official recantation by Alcantara whether written or verbal,” ani Martinez.
- Latest























