Pulong binalaan mga susuporta sa impeachment vs VP Sara

MANILA, Philippines — Binalaan ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang mga kasamahan nitong mambabatas sa pagsuporta sa impeachment complaint laban sa kaniyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Pulong na ang mga nagsusulong at nais na ma-impeach si VP Sara ay mga maiimpluwensya at kumokontrol sa pondo.
Aniya, ang Pilipinas sa ilalim ng demokrasya ay dapat ang mga halal na opisyal ay umakto alinsunod sa kanilang mandato at magsagawa muna ng konsultasyon sa kanilang mga constituents.
“Bago pa man ihain ang anumang panibagong impeachment complaint ngayong February 2026, this is a call to my colleagues,” ani Pulong na iginiit na huwag umanong ipasa sa taumbayan ang isang desisyong matagal nang niluto sa likod ng saradong pinto.
Magugunita na noong unang bahagi ng taon ay idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment complaint na inihain laban kay VP Sara dahilan umano sa paglabag sa 1 year bar rule at hindi pagsunod sa proseso.
Binigyang diin ni Pulong na ang impeachment complaint ay dapat sumalamin sa naisin at boses ng mga constituents ng mga mambabatas at hindi aniya ng iilan na ginagamit ang impluwensya at kinokontrol ang pondo para isulong ito.
Iginiit nito na ang impeachment ay hindi dapat na gamitin sa pamumulitika at pagtangkilik lamang sa mga nagsusulong nito.
- Latest



















