Pagyanig, lindol sa bulkang Taal, patuloy – Phivolcs

MANILA, Philippines — Patuloy ang pagyanig at paglindol sa Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas sa nakalipas na 24 oras.
Batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagtala ang bulkan ng 25 volcanic earthquakes at 6 volcanic tremors na nagtagal nang mula 1-7 minuto.
Huwebes nitong Enero 1 nang huling maitala ang 51 volcanic quakes at 13 tremors at muling nasundan ng aktibidad nitong araw ng Sabado.
Sabi ng Phivolcs, ang volcanic earthquakes ay mula sa namumuong magma sa paanan ng bulkan at ang volcanic tremors ay ang patuloy na seismic signals na tumatagal ng halos isang minuto.
Nagluwa rin ang Taal ng 78 tonelada ng asupre at mahinang pagsingaw at panandaliang pamamaga ng Taal Volcano Island (TVI).
Bunsod nito, pinagbabawalan ng Phivolcs ang sinuman na makapasok sa TVI lalo na sa may Main Crater at Daang Kastila fissures gayundin ang pamamalagi sa lawa ng Taal at paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa posibleng biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas.
Ang Taal ay nasa ilalim ng alert level 1 na nangangahulugan ng pagiging aktibo ng bulkan at pagkakaroon ng aktibidad.
- Latest




















