Sarah Discaya arestado na, ibiniyahe sa Cebu

MANILA, Philippines — Isinilbi na ang warrants of arrest laban sa kontratistang si Sarah Discaya at pangulo ng St. Timothy Construction Corp. na si Roma Rimando na kapwa nahaharap sa mga kasong malversation at graft kaugnay sa P96.5 million ghost flood control project sa Davao Occidental.
Si Discaya ay pormal na sinilbihan ng arrest warrant ng National Bureau of Investigation (NBI) Huwebes ng gabi habang si Rimando ay sinilbihan din ng warrant ng Philippine National Police (PNP) sa mismong tanggapan ng NBI sa Pasay City, kung saan siya nagpakustodiya sa ginawang boluntaryong pagsuko kamakailan at dinala sa NBI detention facility sa Muntinlupa City.
Biyernes ng hapon ay ibiniyahe na patungong Cebu si Discaya mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na ineskortan ng mga ahente ng NBI.
Sa video ng NBI nitong Huwebes ng gabi, makikita ang pagpapasuot ng dilaw na t-shirt na may tatak na NBI AOTCD detainee.
Samantala, si Rimando ay inaresto rin Huwebes ng gabi habang nasa kustodiya ng Pasig Police, kung saan siya boluntaryo ring sumuko noong Disyembre 8.
Pansamantalang makukulong sa Pasig City Police Station si Rimando habang hinihintay din ang commitment order ng Lapu-lapu City RTC para ibiyahe rin sa Cebu.
“Noong December 8, nag-voluntary surrender na ang akusado natin, sinamahan ng kanyang abugadong si Atty. Cornelio Samaniego III. Dito na muna siya tumuloy while waiting for the issuance of the warrant of arrest. Kanina dumating na, sinerve na namin,” ayon kay Pasig City Police Station chief, P/Colonel Hendrix Mangaldan.
Dumaan na sa standard operating procedures si Rimando tulad ng pagkuha ng mugshots, booking process at medical examination.
Ang malversation of public funds ay isang non-bailable offense kaya’t hindi sila maaring palayain ng pansamantala.
- Latest




















