Palasyo nakiramay sa pagkamatay ni Cabral
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pakikiramay ang Palasyo ng Malakanyang sa pamilya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral na pumanaw kamakalawa.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nirerespeto nila ang privacy ng pamilya ni Cabral sa kanilang pagluluksa.
“Nakikiramay po tayo sa pamilya na naiwan po ni former Usec. Catalina Cabral at nakakalungkot po ang nangyari pero, iyon po, muli nakikiramay po tayo,” saad pa ni Castro.
Ayon pa kay Castro, nagsasagawa na ng malalim na imbestigasyon ang mga otoridad sa pagkamatay ni Cabral.
Hindi na aniya kailangan pang mag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng imbestigasyon sa nasabing pangyayari dahil mandato naman ito ng Philippine National Police (PNP).
Nilinaw naman ni Castro na bagama’t under investigation si Cabral kaugnay sa iregularidad sa flood control projects ng DPWH ay walang kaso na isinasampa laban sa kanya.
“Sa ngayon po ay wala pong kaso. Nasa kamay na po iyan ng mga mag iimbestiga. So, sa ngayon po, wala pong kinakaharap na kaso si Usec. Cabral,” ayon pa kay Castro.
- Latest




















