Meta inisnab ang Senado, pina-subpoena
MANILA, Philippines — Pinapa-subpoena ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ang kinatawan ng Meta sa Pilipinas na kilala rin sa tawag na Facebook, matapos isnabin ang pagdinig tungkol sa tatlong panukalang batas na naglalayong labanan ang fake news at troll farms.
Isinulong ni Sen. Rodante Marcoleta ang pagpapa-subpoena sa Meta na nagpadala lamang ng excuse letter sa komite na pinamumunuan ni Sen. Robin Padilla.
Nauna rito, pinuna ni Padilla na noon pang 19th Congress hindi sumisipot ang kinatawan ng Meta kapag ipinapatawag ng Senado.
Kabilang sa mga panukalang tinalakay ng komite ang Senate Bill 191 o ang Anti-false content and fake news na isinusulong ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III; SB 1441 o Social Media Transparency na inihain din ni Sotto at SB 1490 o Anti-troll Farm Act na isinusulong ni Padilla.
Hinikayat ni Sotto ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno at mga lehitimong media entities na labanan ang pagkalat ng mga maling content at fake news.
Sinabi ni Sotto na marapat lamang na protektahan ang publiko mula sa mga malisyosong entities na ginagamit ang freedom of expression para makaiwas sa liability.
- Latest


















