Albay AI Institute, inilunsad ni Salceda
POLANGUI, Albay – Inilunsad sa bayang ito kamakailan ni dating Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda and itinatatag niyang kauna-unahang Albay Institute of Artificial Intelligence (AIAI). Ayon kay Salceda, ang AIAI ay isang “institusyon o aralan kaugnay sa pagbuo ng mga paraan, sistema at mahahalagang bagay sa pamamagitan ng masusing pagbalangkas, eksperimentasiyon at paglikha.”
Itataguyod nito ang mga programang magtuturo sa mga Albayano kung paano gamitin ang ‘Artificial Intelligence’ (AI) sa pagtugon at paglutas ng mga problema at gamitin nila ang natutunang solusyon sa pagtatag ng mga makabuluhang negosyo at hanapbuhay.
“Higit sa lahat, nais nating hindi dapat matakot ang tao sa AI na nariyan na at patuloy na lumalago,” pahayag niya matapos lagdaan ang kasulatan sa isang 2,000 metro kwadeadong lupaing donasyon niya para sa pasilidad kung saan itatatag din ang ‘Disaster Risk Reduction Training Institute’ at ‘Land Transportation Office.’”
Ang AIAI at loteng pagtatayuan nito, sabi ni Salceda ay regalo niya sa mga mamamayan ng Polangui. Ang paglunsad sa naturang pasilidad at programa ay ginanap isang araw pagkatapos ng kanyang kaarawan nitong Oktubre 26. Bilang pasimula ng AIAI, magbubukas ito sa pamamagitan ng mga ‘online programs and assessements’ na may sertipikasyong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ayon kay Christian Dy na ‘Program Director’ nito. Pinuna ni Salceda na napakabilis ng pagsulong mg ‘Artificial intelligence’ kumpara sa ibang teknolohiya. ”Yung inaakala naming aabutin ng 10 taon, nangyari sa loob lamang ng dalawan taon.
Yung mga sistema na mukhang ‘experimental’ lamang noong 2022, passado na sa masusing mga pagsusuri noong 2024. Kahiy nga mga ‘modules’ ng TESDA noong 2024, mukhang laos na rin,” dagdag niya. “‘Artificial intelligence’ ang susunod na lukso para sa lahat. Pati ekonomiya, babaguhin nito, kaya lang mukhang atrasado tayo sa usaping AI,” dagdag niya. Sa pagsusuri ng ‘International Monetary Fund’ ayon kay Salceda, mababa ang antas ng kahandaan ng Pilipinas sa AI. “Kahit sa marami nating mga Pamantasan, takot pa rin ang unang reaksiyon sa AI kaya ito ay ipinagbabawal sa ilang paaralan. Ilan lang sa kanila, gaya ng University of the Philippines Los Baños, ang may mga panuntunan sa paggamit nito, kaya nakakalungkot ito.
Ang pagsulong ng kabihasnan ng lipunan ay laging sumusunod sa pag-asenso ng pagsusuri,” paliwanag niya. Ayon kay Salceda, “mula sa pagtala ng mga transaksiyon sa negosyo, sa paggamit ng matematika sa paglalakbay, hanggang sa mga instrumento at makinang ginaganit sa milyon-milyong pagkwenta ng kilos bawat segundo, nagpapalawak ito sa kakayahan ng utak ng tao.” Binigyang diin din ni Salceda na “ang buod ng karamihan sa mga sistemang AI ay ang natural na pag-unawa sa wika na dapat maunawaan ng mga ‘computer’ para magawa rin nilang magsalita na parang tao. Hindi na tayo kailangan pang gumawang ng ’code’ kung maliwanag ang sinasabi natin dahil ‘computer’ na mismo ang gagawa nito para sa atin.”
- Latest



















