PNP pinagtibay ang whole-of-nation approach vs kidnapping
MANILA, Philippines — Pinangunahan ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng pamumuno ni Acting Chief PLtGen Jose Melencio Nartatez, Jr., ang Joint Anti-Kidnapping Action Committee (JAKAC) kahapon sa PNP Main Conference Room, Camp Crame, Quezon City na layong masiguro ang kaligtasan ng bawat Pilipino.
Ayon kay PLtGen Edgar Alan O. Okubo, Deputy Chief PNP for Operations at Chairperson ng JAKAC, ang pagpupulong na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, law enforcement units, at pribadong sektor.
Kabilang sa mga lumahok ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice, Anti-Kidnapping Task Force, National Security Council, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI), PAGCOR, Anti-Money Laundering Council (AMLC), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), Philippine Center for Transnational Crime (PCTC), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), at ang mga Embahada ng People’s Republic of China at Republic of Korea.
“Sa pamamagitan ng JAKAC, pinag-iisa natin ang intelligence information, pagpapatupad ng batas, teknolohiya, at diplomasya — sa ilalim ng iisang layunin. Ito ang whole-of-nation approach na isinasabuhay natin ngayon,” pahayag ni PLTGen Okubo.
Binigyang-diin niya na nananatiling matatag ang PNP sa pagtiyak na bawat Pilipino at bawat negosyo ay makapamumuhay at makapagtatrabaho nang walang pangamba. Aniya ang JAKAC ay nagsisilbing mekanismong tumutugon sa mga makabagong banta ng kidnapping na umaabot na sa antas ng teknolohiya.
Samantala, muling tiniyak ni PNP Spokesperson at Chief, Public Information Office, PBGEN Randulf T. Tuaño ang aktibong pagtutok ng PNP sa ilalim ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas framework.
- Latest


















