NTF-ELCAC nagbabala vs ‘Solidarity Missions’ ng CPP-NPA-NDF
MANILA, Philippines — Nanawagan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa publiko at sa mga banyagang kalahok na maging mapanuri sa “International Learning and Solidarity Missions” (ILSMs) na isinagawa sa Mindoro, Negros, at Eastern Visayas, dahil madalas umanong inuulit lamang ng mga ito ang mga lumang propaganda ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army–National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ayon kay NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto C. Torres Jr., ang konsepto ng ILSM ay nag-ugat sa International League of Peoples’ Struggle (ILPS), na itinatag ng yumaong pinuno ng CPP na si Jose Maria Sison.
Ayon sa NTF-ELCAC, matagal nang ginagamit ang mga misyong ito upang dungisan ang mga pagsisikap ng pamahalaan at makahikayat ng simpatiya at pondo mula sa ibang bansa sa ngalan ng karapatang pantao o adbokasiyang pangkalikasan.
Sa Mindoro, daan-daang residente na ang hayagang kumondena sa pagtatangka ng mga grupong ito na ilarawan ang kanilang mga komunidad bilang “militarisado”.
Sa Eastern Visayas, patuloy namang ikinukwento ng mga pamilya ng biktima ng kalupitan ng NPA ang kanilang mapapait na karanasan sa karahasan at pagsasamantala — mga kuwentong bihirang mabigyan ng puwang sa mga inihahain ng mga solidarity group.
Binigyang-diin pa ng NTF-ELCAC na maging ang online harassment laban sa mga dating rebelde at ang mga alegasyon ng pang-aabuso sa kababaihan sa loob ng mga tinatawag na national democratic organizations ay hindi binibigyang pansin ng mga organizer ng ILSM.
- Latest





















