Transparency sa budget process, giit ng mga senador
MANILA, Philippines — Sa gitna ng mga anomalya sa umanong insertion ng bilyong piso sa 2025 budget, lumalawak ang nagsusulong na buksan ang proseso ng paghimay sa pambansang pondo para sa transparency at maiwasan ang iregularidad.
Sa survey na isinagawa ng DWIZ’s “Usapang Senado” radio program, anim na senador ang sumusuporta na isapubliko ang bawat hakbang sa budget process mula sa preparasyon hanggang sa pagtalakay sa bicameral committee level.
Sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na mahalagang buksan ang buong proseso partikular ang reconciliation stage upang matiyak na mayroong transparency and accountability.
“Walang record kasi lalo pa ang lumalabas sa istorya… ang nakakaalam lang chair ng House Appropriations Committee at staff ng LBRMO at appropriations committee,” pahayag ni Lacson.
Kinatigan ito nina Senate President Tito Sotto kasama sina Senators Kiko Pangilinan, Bato dela Rosa, Erwin Tulfo at Win Gatchalian.
Iginiit ni Sotto na kayang-kayang ipatupad ang transparency habang idinagdag nina Dela Rosa, Tulfo at Gatchalian na walang masama kung maging transparent at open ang proseso kung wala namang dapat itago.
Idinagdag ni Pangilinan na dapat ding buksan sa publiko ang records o minutes ng bicameral deliberations sa 2023, 2024 at 2025 national budgets.
Aminado din ang anim na senador sa kanilang paniniwala na may insertions sa 2025 budget.
Ipinaliwanag naman ni Gatchalian na may dalawang klase ng insertion - ang isa ay dumaan sa proseso na ikinukunsiderang ligal habang ang isa ay tahimik na isiningit dahil may mga kausap nang kontratista.
Sa survey ng DWIZ, 10 ang tumangging magkomento o hindi sumagot na kinabibilangan nina Senators Loren Legarda, Imee Marcos, Alan Peter Cayetano, Raffy Tulfo, Risa Hontiveros, Bam Aquino, Migz Zubiri, Jinggoy Estrada, Rodante Marcoleta, at JV Ejercito.
- Latest




















