Aso sinagip pamilya sa lindol sa Cebu
MANILA, Philippines — Muling napatunayan ang kasabihang “dog is a man’s bestfriend” matapos na sagipin ng isang tinaguriang ‘hero dog’ ang amo nito at kaniyang anak sa pagtama ng 6.9 magnitude ng lindol sa Cebu nitong Setyembre 30.
Sa post ng Aspin Puspin Balay Talapatan, kinilala ang aso na si Luke na nakatira sa isang pamilya sa Daanbantayan, Cebu.
Ilang oras bago umano naganap ang lindol ay hindi humihinto sa pagkahol si Luke na balisa at paikut-ikot sa palibot ng bahay.
Ayon sa grupong Hope for Strays, imbes na tumakbo palayo, mabilis na isinalag ni Luke ang sarili sa pagitan ng pamilya at ng mga bumabagsak na debris. Dahil sa kanyang katapangan, nailigtas niya ang mga amo at anak nitong lalaki sa posibleng malalang pinsala.
Sa kasamaang-palad, si Luke ang nagtamo ng matinding sugat. Dahil wala umanong kakayahan ang pamilyang nag-aalaga rito na tustusan ang agarang gamutan at pagkain matapos ang lindol, humingi ng tulong sa publiko ang Hope for Strays para sa pagpapagamot sa ‘hero dog’ na umani naman ng positibong suporta.
Sa pahayag ng may-ari ng asong si Luke, bumangon siya dahil sa hindi mapigilan ang aso sa pagtahol na nagligtas sa kanila ng kaniyang 8-anyos na anak na tuluyang madaganan ng gumuho nilang bahay sa nasabing lindol.
Kasalukuyan pang nagpapagaling ang pamilya habang si Luke ay nasa intensive care unit ng isang veterinary clinic matapos itong mabalian ng paa bukod pa sa sugat sa loob ng katawan nito.
Ang kabayahinan ni Luke upang iligtas ang kaniyang amo at pamilya nito ay hinangaan sa lokal na komunidad sa Daanbantayan na ehemplo ng magandang samahan ng tao sa kanilang mga tapat na alaga.
- Latest



















