Mandatory safety training para sa mga rider, isinusulong
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang motorcycle ride-hailing firm na Move It ng pinakamaraming bilang ng aksidente sa mga Motorcycle Taxi Vehicle Services (MTVS) noong nakaraang taon, ayon sa PNP-Highway Patrol Group na inilahad sa pagdinig ng House Committee on Transportation.
Base sa datos ng PNP-HPG, umabot sa 476 aksidente o 35.2 porsyento ng mga insidente mula 2024-2025 ang kinasangkutan ng Move It.
Sinundan ito ng Grab, 293 (21%); Joyride, 240 (17.7%); Angkas, 236 at Lalamove, 208.
Sa kabuuan, umabot sa 31,258 ang naitalang aksidente sa kalsada sa buong bansa noong 2024, mas mataas sa 24,495 noong nakaraang taon — na katumbas ng 27.6% pagtaas. Bagama’t maliit lamang ang bahagi ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorcycle taxi na nasa 1,353 kaso o 0.04%, binigyang-diin ng mga mambabatas na seryosong usapin ito sa kaligtasan sa kalsada.
Dahil dito, nanawagan si Rep. Brian Poe Llamanzares, chairman ng Transportation Committee, ng masusing pagsusuri sa kasalukuyang proseso ng Land Transportation Office (LTO) sa pagbibigay ng lisensiya. Aniya, dapat isama ang obligadong motorcycle safety driving program para sa mga bagong aplikante at maging sa mga magre-renew ng kanilang lisensiya.
Ayon sa HPG, 87% ng mga aksidente noong 2024 ay dulot ng reckless behavior gaya ng overspeeding, maling pag-overtake, distracted driving, at pagmamaneho nang lasing. Naniniwala ang mga tagapagtaguyod ng panukala na makatutulong nang malaki ang maayos na training upang mabawasan ang mga panganib na ito.
Bilang halimbawa, itinuro ng mga eksperto ang Angkas na may mahigpit na “No Training, No Hire” policy, na nagresulta sa 99.997% safety record na napatunayan sa pamamagitan ng third-party audits.
“Patunay ang tagumpay ng Angkas na epektibo ang mandatory training,” ayon kay Dr. Paul Chua, isang road safety advocate. “Kung kayang ipatupad ito ng mga pribadong kumpanya, dapat ding gawin ito ng pamahalaan sa pambansang antas.”
- Latest























