Nadia Montenegro nag-resign bilang staff ni Robin

MANILA, Philippines — Nag-resign na ang dating aktres na si Nadia Montenegro bilang political affairs officer ni Sen. Robin Padilla.
Kinumpirma nitong Lunes ng opisina ni Padilla na tinanggap ng senador ang pagbibitiw ni Montenegro.
Matatandaang nadawit ang pangalan ni Montenegro sa umano’y paggamit ng marijuana sa loob ng gusali ng Senado.
Isang staff umano ni Sen. Panfilo Lacson ang nag-report sa Senate security tungkol sa “hindi pangkaraniwang amoy” na nagmumula sa ladies’ comfort room sa 5th floor malapit sa extension offices ng mga senador.
Ang amoy ay kahawig umano ng marijuana at sinabing ang tanging tao sa lugar noong panahong iyon ay si Montenegro.
Sa kanyang sulat, mariing itinanggi ni Montenegro na siya ang staff na tinutukoy sa mga kuwento at sinabing ang mga paratang ay walang batayan at “malisyosong ibinahagi sa media”.
Sinabi rin niya na ang ulat ng insidente na kumalat sa social media ay “misleading” at walang nakitang marijuana dahil mayroon lamang siyang vape na amoy grape o ubas.
“I denied smoking or using marijuana inside the comfort room… If only this Honorable Office will secure the CCTV footages, it can be vividly established that I even showed him said vape,” ani Montenegro.
Sinabi rin ni Montenegro na ang kontrobersya ay naging dahilan ng panunuya sa kanya at kanyang pamilya. Nadamay maging ang kanyang mga anak na binansagan bilang “mga anak ng isang adik sa droga.”
“Even with a heavy heart but for the sake of my mental health… I decided to tender my resignation from my position in Senator Padilla’s office effective immediately,” ani Montenegro.
Nilinaw ni Montenegro na ang pagbibitiw niya sa puwesto ay hindi dapat ipagkamali na “guilty” siya sa ibinibintang sa kanya kundi isang pagpapakita ng malalim na paggalang niya sa Senado.
Pinasalamatan naman ni Montenegro si Padilla sa tiwala sa kanyang paglilingkod.
- Latest
























