Mandatory drug test sa government officials, itinulak

MANILA, Philippines — Isinulong ni Sen. Robin Padilla na sumailalim sa taunang mandatory drug testing ang lahat ng mga halal at itinalagang opisyal ng gobyerno kasama ang Presidente ng bansa.
Sa Senate Bill 1200 na tatawaging Drug-Free Government Act kapag naging batas, sinabi ni Padilla na dapat i-institutionalize ang taunang mandatory drug test sa mga pampublikong opisyal, gayundin ang voluntary random drug testing sa mga kandidato sa eleksiyon sa loob ng 90 araw bago ang halalan.
Binigyang-diin ni Padilla na bilang mga empleyado ng mga pampublikong tanggapan, ang mga opisyal ay dapat ding sumailalim sa mandatory random drug testing, alinsunod sa kanilang mandato na isulong ang kapakanan ng publiko at tumulong na mabawasan, kung hindi man maalis, ang paggamit at pang-aabuso ng droga sa mga komunidad.
Sa ilalim ng panukala, isasagawa ang pagsusuri sa pamamagitan ng hair follicle drug test para sa paunang screening, na maaaring ma-detect ang positibong resulta at ang uri ng gamot na ginamit, at urine drug test para sa confirmatory testing upang mapatunayan ang anumang positibong result.
Ang resulta ng drug test na ilalabas ng isang accredited drug testing facility ay magkakabisa sa loob ng isang taon.
Kapag napatunayang positibo, maaari silang masuspinde o matanggal sa tungkulin alinsunod sa umiiral na batas.
- Latest



















