^

Bansa

Solon na napitikan sa e-sabong lumantad, nag-sorry

Joy Cantos, Mer Layson - Pilipino Star Ngayon

‘Hindi ako ­tumataya’

MANILA, Philippines — “Hindi ako nag-o-online sabong!”

Ito ang paglilinaw nitong Miyerkules ni AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones matapos na mag-viral ang kaniyang larawan na nanonood umano ng e-sabong habang ginaganap ang botohan ng Speakership sa Kamara noong Hulyo 28.

Humingi ng sorry si Briones pero nagkakamali umano ng inaakala ang mga humuhusga laban sa kaniya na nag-o-online sabong siya sa session hall ng Kamara.

Sinabi ni Briones na hindi siya tumataya sa e-sabong at ikinatwirang may nagpadala lamang sa kaniya ng video message sa viber kaya nag-click lamang siya ng link at tiningnan lamang niya ito.

Sa paliwanag ni Briones, kailanman ay hindi umano siya makikita sa sabungan at hindi rin umano siya marunong sa online money transfer.

“Para bang pinalalabas nila na wala akong ginagawa... ang haba ng botohan, may nag-message lang sa’kin,” dagdag ng Kongresista.

Ang insidente ay naganap habang abala ang mga mambabatas sa nominal voting para sa ­paghahalal ng Speaker ng Kamara, ilang oras bago ganapin ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nakatalikod si Briones nang mapitikan ng larawan matapos maispatan ng mga photographer na nanonood ng online gambling.

Bukod dito, isa pang Kongresista ang naispatan ring nanonood naman ng online bilyar.

“Nahihiya ako kay Speaker (Romualdez), parang nababahiran ng hindi magandang image ang Kongreso, kaya ako humarap... Ako naman ay humihingi ng pasensya,” sabi pa ni Briones.

Una rito, nais ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Secretary Gilbert Cruz na maimbestigahan ang mambabatas na nakuhanan ng larawan habang nanonood ng online sabong, sa kalagitnaan ng sesyon ng Kamara nitong Lunes.

“Well, sa akin ho, dapat imbestigasyon ‘yon.... Botohan ‘yon ‘di ba? Siguro respeto na lang po sa office,” ayon kay Cruz, nang mahingian ng reaksiyon ng media sa isyu.

“So, kailangan imbestigahan lang ho kung ano ‘yong magiging tugon niya do’n sa imbestigasyon. Then, bahala po siya,” dagdag pa ng PAOCC chief.

Binigyang-diin pa ni Cruz na bilang opisyal ng pamahalaan, dapat na maging ehemplo ang mambabatas sa publiko.

NICANOR BRIONES

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with