Civic groups binanatan online blog vs FL Liza
MANILA, Philippines — Mariing kinondena ng civic organizations ang isang blog na sinusubukang idawit si First Lady Liza Araneta Marcos sa pagkamatay ng negosyanteng si Juan Paolo Tantoco sa Estados Unidos sa insidenteng may kaugnayan sa iligal na droga.
Tinawag ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement ang naturang blog na “malisyoso, iresponsable, at walang pakundangan,” na may layuning pulitikal at mapanira.
“May namatay. May naulilang pamilya. Sa halip na igalang ang lungkot ng mga naiwan, pinipilit pang isangkot ang isang tao na wala sa lugar ng insidente, na wala sa kahit anong ulat, na wala sa anumang imbestigasyon. Anong klaseng pananagutan ang gusto nilang ipataw?” ani Goitia.
Ang blog, na unang lumabas sa social media platforms, ay nagdedetalye ng toxicology report na umano’y nagpapakita ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot nina Paolo Tantoco at ng kanyang asawa na si Dina, na kasalukuyang nagsisilbi bilang Social Secretary ng Tanggapan ng Unang Ginang.
Ngunit lumampas pa rito ang blog at naglabas ng mga walang basehang hinala na posibleng may kinalaman si First Lady Marcos, at nanawagan pa ng drug test sa kanya.
“Huwag nating gamitin ang pagdadalamhati ng iba para sa sariling agenda. Hayaan nating kumilos ang mga otoridad sa Estados Unidos. Hayaan nating makapagluksa ang pamilya nang tahimik at may dignidad,” ani Goitia.
- Latest



















