SC pinagkokomento Senado, Kamara sa impeachment trial vs VP Sara

MANILA, Philippines — Inatasan ng Korte Suprema ang Kongreso na magkomento at magsumite ng impormasyon kaugnay ng impeachment trial na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
Sa notice ng Mataas na Hukuman sa Senado at Kamara, na may petsang Hulyo 8, pinagsama ng SC En Banc ang mga petisyong inihain ni VP Sara laban sa validity at constitutionality ng ikaapat na impeachment complaint na inihain laban sa kanya, gayundin ang petisyong isinumite ni Atty. Israelito Torreon at iba pa na humihiling na maideklarang walang-saysay ang articles of impeachment.
Ni-require rin ng SC ang Kamara na magsumite ng impormasyon hinggil sa estado ng unang tatlong impeachment complaints laban sa VP at ang eksaktong petsa kung kailan iniendorso ang mga ito.
Nais ding malaman ng SC kung mayroon bang discretion ang secretary general kung kailan ipapadala ang mga ito sa House Speaker.
Pinagbibigay rin ng SC ang Kamara ng basehan at awtoridad ng sec-gen upang tanggihan ang transmittal ng mga reklamo.
Nais ring malaman ng Korte kung nabasa bang mabuti ng mga mambabatas ang charges at mga ebidensiya sa articles bago ibigay ang kanilang consent.
Samantala, inatasan naman ng SC ang Senado na sabihin kung aling komite ang naghanda ng draft ng articles of impeachment at kung kailan ito nakumpleto.
Nais rin nitong malaman mula sa Senado kung nabigyan ba ng pagkakataon si VP Sara na mapakinggan ang kanyang panig batay sa ebidensiyang ibinahagi ng Kamara.
Binigyan ng SC ang mga respondents ng non-extendible period na 10-araw mula sa pagkatanggap nito ng notice.
May tatlong unang impeachment complaints na inihain laban kay VP Sara noong Disyembre 2024, kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Gayunman, ang ikaapat na reklamo ang iniendorso ng mahigit 1/3 ng mga mambabatas mula sa Kamara at malaunan ay isinumite sa Senado.
- Latest

















