Ex-PRRD mas katulad ni Hitler kaysa kay Ninoy - Castro
MANILA, Philippines — Sa halip na ihambing kay dating senador Ninoy Aquino, mas angkop na ihalintulad ang dating pangulong Rodrigo Duterte kay Adolf Hitler.
Ito ang pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro matapos sabihin ni Vice President Sara Duterte sa isang pagtitipon sa The Netherlands na matutulad ang kanyang ama kay Ninoy Aquino.
Giit ni Castro, mismong ang dating pangulo na ang nagkumpara sa kanyang sarili kay Hitler noong kasagsagan ng kanyang kampanya sa ilegal na droga.
Buong pagmamalaki rin aniyang sinabi ni dating pangulong Duterte noon na kung mayroong tatlong milyon na-massacre si Hitler, mayroon din tatlong milyong drug addicts sa Pilipinas at masaya siyang katayin ang mga ito.
“Mayroon siyang sinabi noon and I quote: “ Hitler massacred 3 million, actually supposed to be 6 million. Now there is three million, what is it, three million durg addicts in the Philippines, there are. I’d be happy to slaughter them. at least if Germany had Hitler, the Philippines would have me,” sinabi pa ni Castro.
Napakalayo rin aniyang ikumpara si Duterte kay dating senador Benigno Aquino Jr. dahil wala siyang record ng mass murder o crimes against humanity taliwas sa dating pangulong Duterte na maraming naitalang extra judicial killings sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Nauna nang sinabi ni Vice President Duterte sa kanyang talumpati sa isang pagtitipon ng kanilang supporters sa The Hague, Netherlands na kagustuhan ng kanyang ama na umuwi sa Pilipinas subalit nangangamba ito dahil baka maging katapusan na niya ito tulad ng nangyari kay Ninoy na in-assasinate pagdating sa airport.
- Latest