Ex-Pangulong Rodrigo Duterte susuriin muna sa Netherlands bago dalhin sa ICC

MANILA, Philippines — Susuriin muna ng lokal na korte sa Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung tama ang naging pag-aresto sa kanya bago dalhin sa International Criminal Court (ICC).
‘’Sa aking pagkakaalam, dadalhin muna siya sa isang local court at doon titingnan, aalamin kung tama ba ‘yung proseso ng pag-arrest at kapag po na-validate, na sinabi naman na tama ang pagkakadala sa kanya sa bansang kung saan siya dadalhin, dadalhin na po siya sa The Hague, sa ICC,’’ paliwanag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro.
Depende naman aniya sa ICC kung paparusahan si Duterte ng 30 taon o habambuhay na pagkakakulong sa sandaling mapatunayan na guilty sa crimes against humanity si Duterte.
Itinanggi naman ni Castro na hindi binigyan ng atensyong medikal at hindi trinato ng tama si Duterte bago arestuhin.
‘’Hindi po ‘yan totoo dahil nu’ng panahon po na siya po ay nasa kustodiya na po, ang pagtrato po sa kanya ay ‘di po basta-basta,’’ ayon pa kay Castro.
Sa katunayan aniya may kasamang nurse, doktor at mga abogado at binigyang halaga ang pagiging dating pangulo ni Duterte sa paraan ng pagtrato sa kanya.
Hindi rin aniya dinala sa ospital si Duterte dahil base sa pagsusuri ng mga doktor ng gobyerno ay hindi ito kritikal.
- Latest