P1.3 bilyong tinapyas sa OVP ‘di ibinalik sa Bicam
MANILA, Philippines — Hindi na ibinalik ang tinapyas na P1.3 bilyong pondo mula sa panukalang P2.037 bilyon ng Office of the President (OVP) sa ilalim ng pambansang pondo para sa 2025 sa ginanap na Bicameral Conference ng Senado at Kamara nitong Miyerkules.
Sina Sens. Ronald Bato dela Rosa at Bong Go ang nakikiusap sa Bicam conference sa kanilang mga kasamahang mambabatas na ibalik ang tinapyas na pondo sa OVP pero higit na nanaig ang desisyon ng nakararami.
Ang House Committee on Appropriations ang unang nagdesisyon na tapyasan ng P1.3 bilyon ang pondo ng OVP at dahil dito’y nanatili na lamang sa P733 ang alokasyon ni Vice Pres. Sara Duterte. Ang tinapyas na pondo ay ililipat sa social services ng DSWD at DOH.
Una nang umapela si VP Sara sa pagharap nito sa pagtalakay ng Senado sa pondo ng OVP na ibalik ang tinapyas na pondo sa kaniyang tanggapan dahil marami aniya na nasa 200 niyang mga empleyado ang mawawalan ng trabaho.
Nagdesisyon ang Kamara na babaan ang budget ng OVP mula sa orihinal na P2 bilyon sa P733 milyon sa gitna ng pagtanggi ni VP Sara na sagutin ang mga katanungan ng mga kongresista tungkol sa pondo ng OVP kabilang na dito ang confidential funds.
Kahapon ay tuluyan nang inaprubahan ng Bicam ang panukalang P6.352 Trilyon 2025 National Budget.
- Latest


















