677 pangalan sa secret funds ni VP Sara, habulin!
House sa PSA
MANILA, Philippines — Pinasisilip ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Cong. Joel Chua sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang record ng 677 katao na umano’y tumanggap ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Ito’y matapos na lumabas na walang rekord si Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin sa database ng PSA.
Nabatid na personal na sumulat si Chua kay National Statistician Claire Dennis Mapa kasama ang listahan ng mga pangalan na makikita sa acknowledgment receipt na ipinasa ng Office of the Vice President sa Commission on Audit upang patunayan ang kanilang ginawang paggastos sa confidential funds.
“May we request for the verification of the Civil Registry Documents (birth, marriage, and death) of the names in the attached list relative to the investigation being conducted by the Committee,” nakasaad sa sulat ni Chua.
Matatandaang sinabi ng PSA na walang rekord ang kanilang database ng isang Mary Grace Piattos, na kumuha ng atensyon ng mga kongresista dahil katunog nito ang pangalan ng isang restaurant at isang brand ng potato chips.
Noong Miyerkules, sinabi ni PSA Assistant National Statistician Marizza Grande na wala rin silang rekord ng Kokoy Villamin, isa sa mga tumanggap ng confidential funds. Si Villamin ay napuna naman dahil magkaiba ang pirma nito sa dalawang acknowledgment receipt.
Sinisiyasat na rin ng komite ni Chua ang umano’y iregularidad sa paggastos ng confidential funds ni Duterte na nagkakahalaga ng P612.5 milyon mula Disyembre 2022 hanggang Setyembre 2023.
- Latest