Pangulong Marcos tinintahan 2 batas: Pagtatayo ng evacuation centers, student loan payment moratorium
MANILA, Philippines — Ganap nang batas ang Ligtas Pinoy Centers Act at Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dalawang bagong batas sa isang ceremonial signing sa Palasyo ng Malakanyang.
Layunin ng bagong batas na maipakita ang dedikasyon ng administrasyon sa pagsuporta sa mga pamilya at mag-aaral na apektado ng mga kalamidad.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na sa ilalim ng Ligtas Pinoy Centers Act ay magtatayo ng mga kumpletong pasilidad para sa evacuation centers sa buong bansa upang magbigay ng ligtas at pansamantalang tirahan para sa mga residente na apektado ng kalamidad.
Ang bagong batas aniya ay nagsusulong ng kahandaan at pagtugon bilang bahagi ng kamalayan ng bansa.
Ibinahagi ni Pangulong Marcos ang kanyang pagbisita kamakailan sa mga biktima ng sunog sa Tondo, Manila na nanunuluyan sa isang evacuation center, kung saan nakita niya ang kanilang katatagan sa kabila ng mga hamon.
Samantalang ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act ay nagbibigay ng pampinansyal na ginhawa sa mga mag-aaral at kanilang pamilya sa panahon at pagkatapos ng kalamidad sa pamamagitan ng moratorium sa paniningil ng student loan nang walang multa at interes.
“We do not wish for the frequent usage of such facilities and can only pray that we have fewer calamities. But nonetheless, we need to ensure that the evacuation centers sufficiently respond to the needs of our people affected by calamities and other such emergencies,” ayon pa kay Pangulong Marcos.
- Latest