PNP-CIDG may lead na sa pinagtataguan ni Roque
MANILA, Philippines — May lead na ang pulisya kung saan nagtatago si dating presidential spokesman Harry Roque.
Ito ang iniulat ng tracker teams ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) makaraang magpalabas ang Quad Committee ng arrest order laban kay Roque.
“May lead na pero we cannot reveal,” sabi ni CIDG spokesperson Lt. Col. Imelda Reyes na mayroon na silang lead sa kinaroroonan ni Roque pero hindi muna ito isasapubliko.
Anya, binubusisi rin ang mga impormasyon na natatanggap at isa ay ang tungkol sa CCTV footage ni Roque sa isang lugar.
“May nakapag-positive na nakakita sa kanya sa area that’s why vinavalidate natin,” sabi ni Reyes.
Binalaan din nito ang sinumang nagkakanlong kay Roque na ito ay kakasuhan ng obstruction of justice kung ayaw ibigay ang nalalaman sa pinaghahanap ng batas.
Una nang sinabi ng PNP na si Roque ay nananatiling nasa bansa batay na rin sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration.
Sa hiwalay namang panayam sa isang opisyal ng Presidential Anti-Crime Commission (PAOCC), sinabi nito na si Roque ay huling namataan sa isang pamosong resort sa hilagang Luzon.
“Dapat bilisan nila ang paghuli kay Roque dahil baka makaalis na sila sa area, ‘yan ‘yung na-feedback na information sa opisina ko,” ayon pa sa opisyal na pangunahing nagsasagawa ng paglalansag sa mga illegal na POGOs sa bansa.
- Latest