17 Pinoy sa Jeddah, ligtas sa missile attack ng Houthi
MANILA, Philippines — Pawang nasa ligtas ng kalagayan ang 17 Filipino seafarers na lulan ng MV Groton, sa isinagawang missile attack ng Houthi rebels noong Agosto 3 sa Yemen.
Sa pahayag kahapon, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na mismong ang Cornbulk Ship Management Corporation, na operator ng MV Groton, ang kumumpirma na nagtamo ang barko ng minor damages.
Mapalad naman umanong hindi ito nakitaan nang pagtagas ng langis o water ingress.
Nabatid na ang barko ay inatake ng mga rebelde, 60 nautical miles sa Yemen, habang patungo sa Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia.
Umiba na umano ng daan ang barko at kasalukuyan nang nakadaong sa port of Djibouti para sa ebalwasyon. Ligtas naman umano ang 19 na tripulante ng barko, na kinabibilangan ng 17 Pinoy.
Tiniyak ng DMW na patuloy nilang imu-monitor ang sitwasyon at mananatiling handang tumulong sa mga seafarers at kanilang pamilya.
Muli ring nanawagan ang DMW sa mga shipowners na mag-divert na mula sa Red Sea at sa Gulf of Aden.
Anito pa, istrikto nilang ipatutupad ang Department Order No. 3 series of 2024 na nagbabawal sa deployment ng mga Filipino seafarers sa mga barkong inatake na sa mga designated High-risk at War-like zones.
Pinaalalahanan din ng ahensiya ang mga Pinoy seafarers na mayroon silang karapatan na tumanggi na maglayag sa High-risk at War-like zones.
“Seafarers may inform the DMW of their conditions or submit their Confirmation of Refusal to traverse the Red Sea, or Gulf of Aden, and/or to other High-risk and War-like zones at [email protected],” anang DMW.
- Latest