P3 milyon birthday party ni Cong. Malapitan pinuna
MANILA, Philippines — Pinuna ng isang dating senador ang umano’y magarbong pagdiriwang ng ika-70 kaarawan ni Caloocan City Gongressman Oscar Malapitan sa isang mamahaling hotel sa Parañaque City kamakailan.
Sa isang interview, sinabi ni dating Senator Antonio Trillanes na umabot sa P3-milyon ang gastos umano sa selebrasyon.
Ani Trillanes, hindi magandang ehemplo ang ipinakita ni Malapitan na habang nagdiriwang ng magarbong kaarawan ay marami namang mga taga-Caloocan ang naghihirap.
Hindi rin daw isyu kung personal na pera ni Malapitan ang ginamit o ginastos sa birthday party.
Mas masarap daw sana sa pakiramdam kung nagsagawa na lamang ng pagdiriwang sa kaarawan ang mambabatas sa piling ng kanyang mga constituent.
Kinuwestyon din ni Trillanes kung saan galing ang pinanggastos sa magarbong party na ginanap noong Hunyo 14, 2024, sa tinatayang 1,000 bisita na dumalo kasama ang mga barangay at city officials mga negosyante, celebrities at top govt officials.
Matatandaang si Malapitan ay inakusahan sa maling paggamit ng kanyang PDAF na may halagang P8 milyon at noong 2015 ay nagsampa ang Office of the Ombudsman ng kasong graft and corruption nang gamitin ang kanyang PDAF para sa programa ng Kalookan Assistance Council Inc.
- Latest